23 pamilya inilikas matapos ang landslide sa Western Bicutan, Taguig

23 pamilya inilikas matapos ang landslide sa Western Bicutan, Taguig

Rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), at iba pang otoridad sa nangyaring landslide sa Sitio Maliwanag, Western Bicutan sa Taguig City.

Nagiba ang isang perimeter wall dahil sa pagguho ng lupa kung saan ang nakikitang sanhi ay soil erosion bunsod ng naranasang pag-ulan dulot ng bagyong Egay.

Wala namang nasaktan sa mga pamilyang nakatira sa paligid ng lugar.

Gayunman, nagsagawa ng pre-emptive evacuation sa 23 pamilya na nakatuita sa lugar at dinala sila pansamantala sa Nabua Covered Court.

Isinara din ang bike lane at outermost lane ng C5 Road na katabi ng lugar ng insidente upang mabawasan ang pagyanig ng lupa na maaaring magdulot ng karagdagang pagguho.

Kasalukuyang ginagawa ang assessment ng mga engineer ng Taguig City, katuwang ang Department of Public Works and Highways at Metro Parkway Clearing Group ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang agad na ma-reinforce ang pader na gumuho at malinis ang lupa at debris sa landslide area.

Pinapaalalahanan ang lahat na maging alerto ngayong panahon ng bagyo at agad na tumawag sa hotline ng lungsod (8-789-3200) kung may emergency.

Bukas din ang City Engineering Office sa nais magsangguni ng mga napupunang problema sa istruktura o kinatatayuan ng mga tahanan, opisina, o gusali. Maaring ipagbigay alam ang mga concerns na ito sa I Love Taguig Facebook page.

Samantala para sa kaligtasan ng mga motorista at residente sa lugar, pansamantalang isinara ang bike lane at outermost lane ng C5 Road northbound, magmula sa SLEX pababa sa rampa hanggang Sitio Maliwanag (malapit sa Centennial Village) habang isinasagawa ang kaukulang repairs at reinforcements.

Maglalabas naman ang lokal na pamahalaan ng updates sa kanyang I Love Taguig FB page. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *