1 PDL patay, 9 sugatan sa insidente sa Bilibid
Patay ang isang person deprived of liberty (PDL) habang siyam na iba pa ang nasugatan sa nangyaring insidente sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong July 25.
Natagpuang patay ang PDL na kinilalang si Alvin Barba sanhi ng tama ng saksak ng icepick.
Nagtamo naman ng minor injuries ang mga PDL na sina Ampatuan Misuari, Emmanuel Carino, Makakna Iman, Marlon Cepe, Bernand Marfilla, Franklin Siquijor, Joner Moralde, Heron Supitran at Ardie Severa.
Nilinaw naman ng Bureau of Corrections na walang riot na nangyari sa loob ng NBP.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Bucor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sinabi ni J/SInsp Angelina Bautista (Ret.), OIC-Deputy Director for Operations at NBP Superintendent, na ang nangyari sa loob ng NBP maximum security compound ay dahil sa hindi pagkakaunuwaan sa pagitan ng dalawang PDLs na mula sa Bahala na Gang at Batang City Jail na agad namang naawat.
Subalit isang PDL na hindi naman kagrupo ng BG at BCJ na walang kinalaman sa nangyaring hindi pagkakaunawaan ang nagpaputok ng baril na nagdulot ng panic sa ibang PDLs at nagtakbuhan para sa kanilang kaligtasan.
Dito natagpuang patay ang PDL na si Barba at bahagyang nasugatan ang siyam na iba pa.
Ayon kay Bautista iniimbestigahan na kung may kaugnayan ang dalawang insidente.
Nag-iimbestiga na aniya ang otoridad kung paano nagkaroon ng baril ang PDL na si Joseph Serrano sa loob ng pambansang piitan.
Nagsasagawa rin ang BuCor SWAT team ng clearing operations sa apat na quadrants ng NBP habang pansamantalang sinuspinde ang pagdalaw o pagbisita. (Bhelle Gamboa)