PCG sasailalim sa heightened para sa SONA ni Pangulong Marcos
Simula bukas, ika-24 ng Hulyo 2023, naka-heightened alert na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa National Capital Region-Central Luzon, Northeastern Luzon, Northwestern Luzon, Southern Tagalog, at Bicol.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio M. Abu, ito ay matiyak ang payapa at ligtas na pagsasagawa ng SONA 2023 ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sasabayan ng tatlong araw na transport strike.
Dagdag pa ni Abu, paghahanda rin ito sa posibleng banta ng Bagyong Egay sa mga nabanggit na rehiyon.
Katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), magpapakalat ang PCG ng mga security personnel, K9 units, at medical teams sa mga kritikal na lugar sa NCR kaugnay ng SONA 2023.
Samantala, naka-alerto na rin ang mga deployable response groups (DRGs) sa mga probinsyang dadaanan ng Bagyong Egay upang agarang makapagsagawa ng evacuation o rescue operation.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PCG, Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) upang maitaguyod ang kaligtasan ng mga pasahero at sasakyang pandagat na nakatakdang bumiyahe sa mga susunod na araw.
Sa tulong ng PCG Auxiliary (PCGA), nagsisimula na rin ang preparasyon ng mga family food packs at hygiene kits na ipapamahagi sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.
Mananatiling naka-heightened alert ang mga PCG Districts, Stations, at Sub-Stations sa mga nabanggit na rehiyon hanggang sa tuluyang humupa ang sama ng panahon. (DDC)