Makabagong mga 4G na bagon, pinasinayaan ni PBBM
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang nanguna sa inagurasyon ng makabagong LRT-1 4th Generation Light Rail Vehicles (GEN-4 LRVs) nitong Miyerkules, July 19.
Isinagawa ang inagurasyon ng bagong ng LRT-1 sa Baclaran, Pasay City.
Ito ay opisyal na hudyat ng kahandaan ng LRT-1 sa paglalagay ng bagong 4th generation trains sa commercial operations matapos ang matagumpay na isinagawang serye ng safety checks, inspections, trial runs at acceptance tests.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinagmamalaki nitong masaksihan ang tuluy-tuloy na pagsasakatuparan ng bisyon ng administrasyon sa isang mas maunlad na Pilipinas.
Partikular na binanggit ng pangulo ang pagsakatuparan ng mga bagong Light Rail Vehicles (LRV) na gagamitin sa umiiral na sistema ng LRT-1 at sa LRT-1 extension sa Cavite.
Kinikilala naman ni PBBM ang pagsusumikap na ginawa ng Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA) at ng Light Rail Manila Corp. para sa sama-samang pagtutulungan upang mabigyan ang mga Pilipino ng ligtas, maaasahan at mahusay na serbisyo sa transportasyon.
“Equipped with advanced information system and a new signalling system, I am confident that the LRVs will not only improve the overall passenger experience but also will be championing safety,” ayon kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr.
Nagpasalamat din ang pangulo sa suporta ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at iba pang private partners para sa pagpapabuti ng mass transit systems sa Metro Rail project.
Ani PBBM, malaking tulong ang dagdag na LRVs para maibsan ang traffic congestion at air pollution.
“This commitment that you have shown to enhance the capacity of the LRT-1 by increasing the number of LRVs, we’ll be able to now aid in easing traffic congestion as well as mitigating air pollution caused by vehicles plying the roads of Metro Manila,” dagdag pa ng pangulo.
Mababatid na ang pagpaplano at disenyo ng mga LRVs na ito para sa LRT-1 ay nagsimula noong 2018.
Samantala, ibinahagi naman ni DOTr Secretary Jaime Bautista na may kabuuang kapasidad na 1,388 pasahero kada biyahe ang bawat 4th Generation train set at 4 na LRVs o coaches sa bawat set ng tren.
Ang mga bagong train set ay PWD-friendly din na may special areas para sa mga wheelchair.
Nagtatampok din ito ng destination signs upang ipaalam sa mga pasahero ang direksyon ng tren.
Bukod kay Bautista, kasama rin ni PBBM sa event sina LRTA Administrator Hernando Cabrera, Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa, Sakamoto Takema ng JICA at iba pang opisyal.
Nagpaabot din ng mensahe sa administrasyong Marcos ang Japanese partners mula sa embahada ng Japan at JICA.
Muli ring nangako ang pangulo na makakakaasa ang publiko na patuloy na sisikapin ng administrasyon ang pagsasagawa ng mga proyektong magpapaunlad sa public transportation ng bansa. (DDC)