Desisyon ng SC sa Makati-Taguig dispute, irerespeto ni Mayor Binay
“We will respect the decision of the Supreme Court,’ ito ang naging pahayag ni Makati Mayor Abby Binay.
Welcome naman sa Taguig LGU ang pagkilala ng Makati sa pinal na desisyon ng SC para isagawa ng may koordinasyon ang transisyon.
Matapos ang mariing pagtanggi na tanggapin ang pagkatalo patungkol sa pinal na desisyon ng Korte Suprema na isalin ang hurisdiksiyon ng 10 na barangays sa Taguig City, ang Makati City Government ay pinal na nagdeklara na irerespeto nito ang naturang desisyon.
Nitong nakaraang linggo ito ipinahayag ni Makati Mayor Abby Binay matapos tanggihan ng SC ang omnibus motion ng Makati na humihiling sa pinakamataas na korte na payagan silang maghain ng ikalawang motion for reconsideration na itakwil ang sariling deklarasyon na pinal at pahintulutan ang bawal na pagsumamo.
Bago ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong June 2023, “the Supreme Court in September 2022 already denied Makati’s first motion for reconsideration assailing the 2021 decision of the High Court which ruled that the Fort Bonifacio Military Reservation, consisting of parcels 3 and 4, Psu-2031, including the disputed 10 barangays, is part of the territory of Taguig City by legal rights and historic title.”
“Hindi pa kami nakakatanggap ng kopya ng nasabing desisyon ngunit nais kong linawin na igagalang ng Makati ang desisyon ng Korte Suprema,” ayon kay Mayor Binay sa isang video statement sa Facebook.
Sa naturang video statement ni Binay idineklara ng alkalde na siya at ang Makati government ay makikipag-ugnayan sa kinauukulang departamento at ahensiya mula sa national government para sa maayos na transition.
Inihayag ng Taguig City ang pagwelcome sa development at ang concession ng Makati ay magsisilbing daan ng maayos na transition upang maiwasang mabalam ang pagbibigay serbisyo.
Nanindigan ang Taguig na handa umano nitong gawin ang responsibilidad sa pamamahala sa 10 barangays at sa parehong pagseserbisyo at solidong ginagawa sa kanyang 28 barangays.
Pinalagan ng Taguig ang unang pahayag ni Mayor Binay na maliitin ang kapasidad ng Taguig na magbigay ng mga benepisyo sa mga residente ng 10 barangays at ang pagkuha sa scholarship program ng Taguig kung saan ang mga isyung ito ay irrelevant o walang kinalaman sa pinal na desisyon ng SC at nagdulot ng pagkabalisa at hindi pagtitiwala. (Bhelle Gamboa)