60-anyos na lalaki huli sa ‘currency counterfeiting’ sa Makati
Inanunsyo ni Southern Police District (SPD) District Director Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang pagkakaaresto ng isang 60-anyos na lalaking suspek na sangkot sa ilegal na pagdadala at paggamit ng counterfeit treasury notes at iba pang pinansiyal na instrumento sa Makati City kamakalawa.
Ang suspek na hindi binanggit ang pangalan ay nahuli sa isang forex broker sa Perea Street, Legaspi Village, Makati City nitong July 17 dakong alas-11:45 ng umaga.
Tinangka ng suspek na magpalit ng malaking halaga ng counterfeit US dollars sa piso at inireklamo siya ng company director na kumatawan sa forex broker.
Narekober sa suspek ang ebidensiya kabilang ang malaking bilang ng pekeng US one hundred-dollar bills na katumbas ng ₱27,000,000 at isang metal box na naglalaman ng marami pang counterfeit bills.
Lumitaw sa imbestigasyon na unang bumisita ang suspek sa isang lokal na banko upang magpalit ng counterfeit bills subalit dahil sa dami ng halaga ay inirefer ang lalaki sa naturang kumpanya.
Sa beripikasyon sa nabanggit na exchange office, nagduda ang cashier na peke ang pera kaya agad na ipinaalam nito sa pamunuan na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.
Magsasagawa ng masusing beripikasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa mga narekober na ebidensuya upang matukoy ang lawak ng counterfeit operation.
Pinuri ni BGen Kraft ang Makati City Police Station sa maagap na pagresponde at mabilis na pagkakaaresto ng suspek.
Pinaalalahanan ng SPD chief ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa mga masasamang elemento na gumagamit ng pekeng pera para sa kanilang mga krimen. (Bhelle Gamboa)