OTS hihigpitan ang pagpapatupad ng “Footwear Removal Policy” sa mga paliparan
Istriktong ipatutupad ng Office for Transportation Security (OTS) footwear removal policy sa final security screening sa mga paliparan sa buong bansa.
Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Ma.O Aplasca, matagal ng umiiral ang nasabing polisiya, pero ayon sa OTS, magiging istrikto na ang kanilang mga tauhan sa pagpapatupad nito.
Layunin nitong mas mapaigting pa ang seguridad ng mga pasahero, airport at airline staff, bilang pagsunod din sa global security standards.
Sinabi ng opisyal na epektibo ang polisiyang ito sa pagtukoy sa mga ipinagbabawal na gamit kabilang ang mga pampasabog at mga delikadong kagamitan na maaaring itinatago sa sapatos at iba pang uri ng footwear.
“We have to be proactive, hindi na natin dapat hintayin na magkaroon pa ng threat before we implement it.” ayon kay Aplasca.
Ani Aplasca, maaaring magdulot ng inconvenience sa mga pasahero ang polisiya, gayunman, hiling nila ang pasensya ng mga ito.
Payo ng OTS sa mga pasahero, magsuot na lamang ng sapatos na madaling alisin at isuot para sa mas mabilis din na proseso. (DDC)