38 huli sa ilegal na pangingisda sa Palawan
Tatlong bangka na may lulang 38 mangingisda ang nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) Intelligence Group – Palawan at PCG Station Cuyo sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Cuyo, Palawan.
Ayon sa PCG, nahuli ang mga ito na gumagamit ng ‘superlights’.
Dinala sa Cuyo Port ang F/V August Moon (28 fishermen), B/V Mackerel (5 fishermen), at F/V Jumbo 4 (5 fishermen) para isailalim sa inspeksyon at pagsasampa ng karampatang kaso.
Ang mga may-ari ng tatlong bangka ay kakasuhan ng paglabag sa Municipal Ordinance No. 2016-139 na nagsasaad ng pagbabawal sa paggamit ng ‘superlight’ sa pangingisda sa karagatan ng Cuyo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8550 o ang Philippine Fisheries Code of 1998 nakasaad na ang ‘superlight’ ay uri ng ilaw na ginagamitan ng halogen o metal halide bulb.
Mayroon itong ballast, regulator, electric cable, at socket.
Ginagamitan ito ng generator, battery, o dynamo.
Ayon sa PCG, bawal ang paggamit ng ‘superlight’ sa pangingisda sa Philippine waters dahil nakukuha nito maging ang malilit na isda.
Ang mga nahuling lumabag ay maaring maharap sa 6 na buwan hanggang 2 taon na pagkakabilanggo o multa nan P5,000 sa bawat superlight na ginamit.