Kadiwa ng Pangulo ilalagay bawat lungsod at munisipalidad sa bansa
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial signing ng memorandum of agreement (MOA) sa Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa San Fernando City, Pampanga.
Layon ng MOA na makapaglagay ng KNP sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na hindi kayang gawin ng national government na maikalat sa buong bansa ang KNP kaya tutulong na ang local government.
Sinabi ng pangulo na kailangang maitaas ang produksyon para mapanatili ang Kadiwa program na nag-aalok ng murang bilihin sa mga consumer.
Dahil dito, gagawa aniya ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno para maitaas ang grain at fish production, gayundin ang masolusyonan ang pagkakaroon ng peste sa livestock at poultry industries.
Kabilang sa paraan ay ang pagkakaroon ng cold storage facilities sa coastal areas para maiwasan ang mabilis na pagkasira ng mga huling isda.
Ang MOA para sa KNP ay nilagdaan ng DA, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Presidential Communications Office (PCO), at Presidential Management Staff (PMS). (DDC)