DOLE tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang may kapansanan

DOLE tiniyak ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang may kapansanan

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga manggagawang may kapansanan.

Pahayag ito ng kagawaran bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-45 selebrasyon ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week na may temang, “Aksesibilidad at Karapatan ng mga Taong may Kapansanan: Daan tungo sa Sustenableng Kinabukasan na Walang Maiiwanan”.

Ayon kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, patuloy na pagsulong ng DOLE sa kapakanan ng mga manggagawang may kapansanan sa pamamagitan ng mga polisiya at programang pangkabuhayan, pang-empleyo, pangkalusugan at kaligtasan sa lahat ng pagawaan.

Sa datos ng DOLE, mula 2018 hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang 4,985 persons with disabilities (PWDs) ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) at 272 naman ang naging benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program.

Noong 2022 hanggang sa ngayon, mahigit 800 PWDs na ang naitalang nakahanap ng trabaho sa tulong ng PESO Employment Information System (PEIS) at PhilJobNet.

Sa kaparehas na panahon, mayroon ng 142 na kumpanya ang nakapag-empleyo ng halos 500 na PWDs.

Dagdag pa rito, patuloy ang tulong pangkabuhayan, skills training, at placement assistance sa mga persons with work-related disabilities (PWRDs) sa ilalim ng Kagabay o Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan ng Employees’ Compensation Commission.

Mahigpit ring binabantayan ng DOLE ang pagtalima ng pribadong sektor sa Batas Pambansa Bilang 344 o ang Accessibility Law.

Binigyang-diin ni Laguesma na ang mga manggagawang may kapansanan ay hindi iba at dapat na ituring ng pantay-pantay. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *