Buong bansa apektado ng Habagat ayon sa PAGASA
Umiiral ang Habagat sa buong bansa ayon sa PAGASA.
Sa weather forecast na inilabas ng PAGASA, alas 4:00 ng hapon ng Linggo (July 16), ang Severe Tropical Storm Talim na dating si Bagyong Dodong ay namataan sa layong 565 kilometers west northwest ng Laoag City, Ilocos Norte.
Hanggang bukas (July 17) makararanas ng monsoon rains ang Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at ang northern portion ng Palawan.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ng pagbaha o landslides ang mararanasang kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan.
Makararanas din ng kalat-kalat na pag-ulan sa Western Visayas, La Union, Pangasinan, Pampanga, Tarlac, Romblon, at sa nalalabing bahagi ng Palawan.
Habang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabi pang bahagi ng Luzon.
Sa Mindanao naman at sa nalalabing bahagi ng Visayas bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin ang iiral na mayroong isolated na pag-ulan o thunderstorms. (DDC)