Mahigit 100 sakay ng sumadsad na RoRo passenger vessel nailigtas sa Romblon
Nailigtas ang mahigit 100 sakay ng isang RoRo passenger vessel na sumadsad sa bahagi ng Banton, Romblon.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) lulan ng MV Maria Helena ang 93 pasahero at 36 na crew ng ito ay sumadsad sa bahagi ng 100 meters mula sa baybayin ng Barangay Nasunugan sa Banton.
Umalis ang barko sa Lucena Port sa Lucena City, Quezon Province at patungo sana sa San Agustin Port sa Tablas, Romblon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Coast Guard District Southern Tagalog, alas 2:12 ng madaling araw ng Linggo, July 16 nang matanggap ang report na sumadsad ang barko.
Agad rumesponde ang PCG para mailigtas ang mga pasahero na inilikas sa pamamagitan ng lifeboat.
Ginamit din ang mga local passenger boats sa lugar para sa paglilikas ng mga pasahero.
Ayon sa kapitan ng barko, sumabog ang gulong ng isa sa mga lulan na rolling cargoes ng barko.
Dahil mayroong kargang 21,000 na litro ng marine diesel oil ang barko, naka-standby na ang Marine Environmental Protection Group sa Romblon para sa posibilidad ng oil spill response. (DDC)