P40 na dagdag sahod sa NCR ipatutupad sa July 16 kahit may nakabinbing apela
Tuloy ang pagbibigay ng dagdag na P40 na minimum wage sa mga manggagawa sa Metro Manila sa kabila ng nakabinbing apela sa Wage Board.
Ayon sa pahayag ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), kailangang ipatupad ng mga employer ang dagdag sahod sa NCR simula sa July 16, 2023.
Ang Wage Order No. NCR-24 na nagbibigay ng dagdag sahod sa NCR ay naisapubliko noong June 30, 2023.
Sa ilalim ng kautusan, ang daily minimum wage sa NCR ay magiging P610 na mula sa P570 para sa non-agriculture sector at P573 naman mula sa P533 para sa agriculture sector, service, at retail establishments na mayroong 15 pababa na empleyado at sa manufacturing establishments na mayroong 10 pababa na empleyado.
Ang apela sa nasabing kautusan ay inihain noong July 3, 2023 ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, Labor Alliance for National Development, Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon at Serbisyo, Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay at iba pang labor organizations.
Ayon sa grupo, masyadong mababa ang ibinigay na dagdag sahod dahil bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang family living wage ay dapat nasa P1,161 na. (DDC)