5 biktima ng human trafficking napigilan ng BI na makaalis ng bansa
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang biktima ng human trafficking sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Ang mga biktima ay paalis sana ng bansa sakay ng Philippine Airlines patungo ng United Arab Emirates.
Naghinala ang mga immigration officer sa totoong intensyon ng mga biyahero dahil sa paiba iba nilang pahayag.
Ayon kasi sa mga bitkima, magtutungo sila sa UAE para magbakasyon sa tulong ng kanilang kaibigan at kapatid ng isa sa kanila.
Pero sa ginawang secondary inspection, inamin ng mga biktima kung saan ang totoo nilang destinasyon.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, karaniwan itong modus ng mga nasa likod ng human trafficking kung saan pinadadaan muna sa isang bansa ang mga biktima bago dalhin sa final port of destination.
Ito ang dahilan ayon kay Tansingco kung bakit kailangang maging mabusisi ang mga immigration officer.
Agad dinala ang lima sa MCIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para maihanda ang reklamong isasampa laban sa kanilang recruiter. (DDC)