South Korean President Yoon, bibisita sa bansa
Nakatakdang bumisita sa bansa si South Korean President Yoon Suk Yeol at iba pang opisyal ng South Korea.
Ito ay kasabay ng paggunita ng ika-75 anibersaryo ng relasyon ng Pilipinas at South Korea.
Kinumpirma ito ni South Korean Ambassador-designate Lee Sang-Hwa sa presentation ng kaniyang credentials kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malakanyang.
Ayon kay Lee, sabik na si President Yoon Suk Yeol na makabisita sa Pilipinas at mangyayari aniya ito maaaring bago matapos ang kasalukuyang taon o ‘di kaya ay sa unang bahagi ng taong 2024.
Sinabi naman ni Pangulong Marcos na inaasahan na rin niya ang pagkikita nila ng South Korean leader sa idaraos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Nobyembre.
“Of course, there are many other conferences and I hope that maybe in November when we go to the United States for the APEC because I’m sure your President will attend, maybe we’ll have a chance to at least meet and have a bilateral meeting,” ayon sa pangulo.
Binanggit din ni Ambassador Lee kay Pangulong Marcos na bibisita din sa bansa sina South Korean National Assembly Speaker Kin Jin-Pyo at ang South Korean Foreign Minister ngayong taon.
Tiniyak din ni Lee ang pakikipagtulungan ng South Korea sa Pilipinas sa usapin ng enerhiya.
Ayon kay Lee interesado ang kanilang bansa sa Bataan Nuclear Power Plant energy generation. (DDC)