83 detainees ng NBI ililipat na sa BuCor
Pansamantalang dadalhin sa Bureau of Corrections (BuCor) ang nasa 83 na detainees o persons under investigation na nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil idedemolish ang NBI main building kasama ang detention facility sa Manila upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng bagong gusali nito.
Pinangunahan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr. at NBI Director Medardo G. De Lemos ang simpleng seremonya para sa exchange of symbolic key sa BuCor headquarters sa Muntinlupa City.
Noong Marso 2023, nilagdaan ng BuCor at NBI ang isang memorandum of agreement na nagpapahintulot na gamitin ang mga pasilidad nito bilang temporary lock up facility ng mga indibiduwal na naaresto ng NBI kung saan ang huli ang may responsibilidad sa pagbibigay ng sariling tauhan sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa pasilidad at mga bisinidad nito.
Sa ilalim ng MOA, lahat ng nakadetine sa naturang pasilidad ay nasa ilalim ng responsibilidad ng NBI alinsunod sa mga umiiral na panuntunan at alituntunin ng BuCor kabilang ang pribilehiyo sa pagdalaw na ipagkakaloob ng NBI sa mga pamilya,kaibigan at abogado ng mga detainees.
Sinabi ni Catapang na kung mayroong NBI detainees na dadalo sa mga pagdinig o sasailalim sa medical check-up kailangan aniya ng wastong koordinasyon dahil dadaan ang mga ito sa check points.
“The BuCor and NBI are both agencies under the Department of Justice so we welcome them here,” sabi ni Catapang.
Aniya bukas-palad ang BuCor na ipagamit maging ang kanilang firing range para sa firearm proficiency training at familiarization ng kanilang mga tauhan.
Pinasalamatan ni Lemos si Catapang para sa akomodasyon upang pansamantalang magamit ang pasilidad sa Building 14 ng New Bilibid Prison ng NBI detainees habang naghihintay ng resulta ng Inquest proceedings at kautusan mula sa korte at paggamit ng kanilang firing range.
Sasagutin ng NBI ang pagbibigay sa kanilang detainees ng kanilang karaniwang pangangailangan tulad ng pagkain, tubig at iba pang probisyon.
Samantala, nasa 511 Correction Officers 1 Trainees para sa Class 21-2022 ang pormal na itinurn-over sa Corrections Basic Recruit Course kung saan sasailalim sila sa anim na buwang training o pagsasanay sa loob ng BuCor.
Bilang bahagi ni Catapang sa kanyang pagdiriwang ng kaarawan bukas,July 11 ay sinimulan nito ang pamamahagi ng 10,000 na bags ng hygiene kits sa mga persons deprived of liberty (PDLs) at 10 na wheelchairs na inisyal na donasyon ng AFP Finance Center Multi-Purpose Cooperative para sa mga senior PDLs mula sa maximum security compound sa NBP. (Bhelle Gamboa)