Akusado sa pagbebenta ng hindi rehistradong COVID-19 Antigen Rapid Test naghain ng guilty plea sa korte
Naghain ng guilty plea sa korte ang isang akusado na nagbebenta ng hindi rehistradong COVID- 19 Antigen Rapid Test.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), ang akusado ay kinasuhan ng ahensya sa korte sa Imus City, Cavite matapos matuklasan ang pagbebenta nito ng unregistered Clungene COVID- 19 Antigen Rapid Test Cassette (Saliva).
Sa isinagawang pagbasa ng sakdal sa akusado sa Branch 120 sa Imus City, Cavite ay naghain ito ng guilty plea para sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Ayon kay FDA Director General, Dr. Samuel A. Zacate, ang nasabing kaso ay dapat magsilbing babala sa lahat hinggil sa pagsunod sa mga probisyon ng FDA laws.
Binalaan din ni Zacate ang lahat ng patuloy na nasasangkot sa pagbebenta, paggawa at pagpapakalat ng ng mga produkto na hindi rehistrado at walang lisensya mula sa FDA.
Ayon sa opisyal, sisiguruhin ng ahensya na sila ay mapapanagot sa batas. (DDC)