50 pamilya na nananatili sa 6km permanent danger zone ng Mayon, inilikas ng DSWD
Limampung pamilya ang natagpuan ng Department of Social Welfare and Developmengt (DSWD) na nananatili sa 6-km permanent danger zone ng Mt. Mayon.
Dahil dito, agad inilikas ng DSWD Bicol Regional Office ang nasabing mga pamilya para sa kanilang kaligtasan.
Nadiskubre ang mga pamilya sa isinagawang inspeksyon ng Disaster Response Management Division (DRMD) ng DSWD Region 5 matapos ang mga ulat na mayroong mga nagpasyang manatili sa kanilang tahanan.
Matapos maipabatid kay Camalig Mayor Caloy Baldo ang pananatili ng mga pamilya sa permanent danger zone ay agad silang isinailalim sa forced evacuation.
Katuwang ng DSWD sa paglilikas sa kanila ang Camalig Municipal Police Station, at ang Municipal Disaster Response and Management Office (MDRRMO) ng Camalig local government unit (LGU).
Pansamantalang dinala sa Baligang Elementary School ang 50 pamilya na pawang mula sa Barangay Anoling. (DDC)