DOTr agad naresolba ang unang reklamo na natanggap sa inilunsad na Commuter Hotline
Mabilis na naresolba ng Department of Transportation (DOTr) ang unang reklamong natanggap ng sa pamamagitan ng inilunsad na DOTr Commuter Hotline.
Ayon sa DOTr, nagresulta ito sa pagkakahuli sa pitong public utility vehicles na nag-cutting trip sa Parañaque at Pasay City.
Nagsagawa ng joint operation ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagresulta sa pagkakahuli ng dalawang driver ng traditional na jeep sa SM Bicutan at limang driver ng modern public utility jeep sa MIAA area.
Kasunod ito ng paglulunsad ng DOTr Commuter Hotline na 0920-964-3687 kung saan maaaring mag-text ang mga pasahero sa kanilang reklamo sa mga driver.
Ang mga nahuling driver ay inisyuhan ng violation tickets at kailangang magmulta ng P5,000 sa unang paglabag.
Ang Commuter Hotline ay tatanggap ng reklamo mula Lunes hanggang Biyernes mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. (DDC)