Stakeholders suportado ang paggamit ng body-worn cameras ng traffic enforcers
Nakuha ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang buong suporta ng mga stakeholders kaugnay sa paggamit ng body-worn cameras para sa pamamahala sa trapiko at pagpapatupad ng operasyon ng ahensiya upang makatulong sa pagsusulong ng transparency sa panghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Sa stakeholders meeting nitong Miyerkules, iprinisinta nina MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, General Manager Usec. Procopio Lipana, at iba pang opisyal ng ahensiya ang binalangkas na mga panuntunan sa paggamit ng body worn cameras para sa traffic enforcers at mga pamamaraan sa pagpapahinto sa mga motorista.
Dumalo sa konsultasyon si a1-Rider Party-List Representative Bonifacio Bosita, public transport groups, motorcycle riders’ associations, automobile associations, Philippine National Police-Highway Patrol Group, Metro Manila local government units, concerned government agencies at iba pa.
“We want to hear the comments and suggestions of the stakeholders before its full implementation,” sabi ni Artes.
Sinabi ni Artes na pagsasama-samahin ang mga komento ng stakeholders at ipapakita ito sa Metro Manila Council (MMC), ang governing and policy-making body ng MMDA, na ang mga miyembro ay ang 17 Metro Manila mayors.
Sa pulong,pinuri ni Bosita ang liderato ni Artes at sinabing ang paggamit ng body-worn cameras ng mga traffic enforcers ay magbibigay ng epektibong traffic enforcement operations.
“Kami ay nakasuporta kay Chairman Artes dahil nakikita natin dito na ang pagsulong ng body-worn cameras ng mga enforcers ay isang patunay ng sincerity ng kanyang leadership sa public service. Kitang kita ang kanyang dedikasyon para magampanan ang kanyang trabaho,” ani Bosita.
Nagpahayag dn ng kanilang suporta ang mga transport groups at iba pang stakeholders sa MMDA.
Suportado rin ni Obet Martin, Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association (PASANGMASDA) national president,ang pamumuno ni Artes at nagpasalamat sa aksyon ng MMDA at nakasama sila sa traffic education na curriculum sa paaralan.
Ayon pa kay Artes, ang body-worn cameras na mayroong video at audio recording feature ay magbibigay proteksiyon sa parehong traffic enforcers at mga motoristang hinuli.
“The use of body-worn cameras will prevent traffic enforcers from taking bribes and motorists offering bribes since the Metrobase will record the apprehension process. The footage may serve as evidence,” ani Artes.
Aniya ang body-worn cameras ay dinisenyo na kumuha at magrecord ng kabuuang pagsasagawa ng operasyon na katulad ng mga gadgets na ginagamit sa United Kingdom. Ang mga gadgets na ito ay tumatagal sa walong oras ang gana ng baterya nito.
Batay pa sa MMDA, nasa 120 body cameras ang inisyal na ipamamahagi sa mga traffic enforcers na otorisado sa pag-iisyu ng citation tickets sa mga lumabag sa batas trapiko. (Bhelle Gamboa)