Las Piñas Bahay Pag-Asa: Level II accredited na ng DSWD
Iginawad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)ang Level II Certificate of Accreditation sa Bahay Pag-asa ng Las Piñas, isang youth center ng lungsod.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, tanging ang Las Piñas lamang sa mga lokal na pamahalaan sa katimugang Metro Manila ang nakatanggap ng Level II accreditation mula sa DSWD.
“Ang inisyung sertipiko ng DSWD sa Bahay Pag-asa ay may bisa o valid ng limang taon at dapat na ilagay sa magandang erya ng center”, dagdag pa ni Aguilar.
Anya nasungkit ng Bahay Pag-asa ang Level II Certificate of Accreditation matapos makuha nito ang perpektong 290/290 na puntos ng Level I application at kuntentong nakamit ang mga ninais na requirements para sa Level II Accreditation na may 123/150 puntos katumbas ng 82 porsiyento.
“Bilang bahagi ng DSWD Reportorial Requirements, hiniling nito sa lungsod na magsumite ng Annual Accomplishment Report kasabay ng paghikayat sa center na panatilihin ang pagkakaloob ng dekalidad na mga serbisyo dahil tuluy-tuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga ipinapatupad na programa sa panahon ng validity ng Accreditation Certificate”, paliwanag ng alkade.
Binigyang-diin ni Aguilar na ang mga bata ay malapit sa panganib at ang mga nasangkot sa paglabag sa batas na nasa pangangalaga ng center ay tumatanggap ng iba’t ibang mga serbisyo tulad ng pang-edukasyon, pang-ispirituwal,gardening at iba pa.
“Ang mga nakadestinong social workers sa center ay masigasig sa kanilang trabaho para pangalagaan ang mga nasabing kabataan na nalalapit nang tanggapin o manumbalik sa komunidad”, ayon kay Mayor Aguilar.
Sa sulat na pinadala kay Aguilar,ipinabatid ng DSWD sa alkalde ang kumpletong pagtalima ng lungsod tungkol sa kanilang mga rekomendasyon ng assessment sa center na isinagawa ng kanilang technical staff na si Christie R. Reamico noong Pebrero 9-10, 2023.
“Naka-address ang liham kina Aguilar at Lowefe T. Romulo RSW, officer-in-charge ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), na pirmado ni Atty. Megan Therese Y. Manahan, Director IV, DSWD Standards Bureau”, ayon kay Aguilar. (Noel Talacay)