PCG Southern Tagalog tutulong sa pagkakaroon ng ligtas at payapang Barangay at SK elections
Tutulong ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtitiyak na magiging ligtas at mapayapa ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Southern Tagalog.
Inihayag ito ni Coast Guard District Southern Tagalog Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla, kay Police Region Office Region IV-A Director, Police Brigadier General Carlito Gaces, sa kanyang courtesy visit sa Camp Vicente Lim.
Nakatakdang isagawa ang BSKE sa Oktubre 30, 2023.
Ayon kay Tuvilla, idedeklara ang “heightened alert” ilang araw bago at pagkatapos ng BSKE upang masiguro ang ligtas, mabilis, at maayos na daloy ng mga pasahero at sasakyang pandagat sa mga pantalan sa Southern Tagalog, kabilang ang Batangas Port.
Magdadagdag din aniya ang PCG ng mga idedeploy na K9 units para sa mas mahigpit na pag-iinspeksyon sa mga polling precincts at vote counting centers.
Pinasalamatan naman ni Gaces ang PCG sa suporta nito sa pagtataguyod ng kaligtasan at seguridad ng publiko, lalo na sa paparating na halalan. (DDC)