Pamunuan ng Malajog Leisure Park Resort naglabas ng paglilinaw hinggil sa dalawang insidente ng pagkalunod sa beach sa Calbayog City
Nilinaw ng pamunuan ng Malajog Leisure Park Resort sa Calbayog City na hindi sa kanilang hurisdiksyon naganap ang magkahiwalay na insidente ng pagkalunod na naganap kamakailan.
Sa inilabas na statement ng pamunuan ng Resort, ang insidente noong July 3 ay nangyari sa harap ng public beach sa Quesada Property at ang June 15 incident naman ay nangyari sa beach area sa harap ng bahagi ng Malajog public cemetery.
Ipinaliwanag ng Malajog Leisure Park Resort na ang nasabing mga insidente ng pagkalunod ay hindi naganap sa lugar na nasasakupan ng resort at ang mga biktima, at kanilang mga kasama ay hindi guests ng resort ng mangyari ang insidente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng resort sa mga pamilya ng biktima.
Ayon sa resort management, lubos itong nababahala sa kaligtasan ng lahat ng mga
bisitang turista at higit sa lahat, importante na mailayo sila sa anomang kapahamakan.
Nanawagan ang Malajog Leisure Park Resort sa mga kapwa nito resort owners na patuloy na maging mapagbantay, mapagmatyag at maging laging handa na rumesponde at tumulong sa kani-kanilang resort guests sa loob ng kanilang mga nasasakupang resort upang maiwasan ang mga ganitong sakuna.
Tiniyak din ng pamunuan ng resort na ang kanilang mga staff ay nagtapos at pumasa sa “STANDARD FIRST AID FOR LAY RESCUER” sa ilalim ng superbisyon ng Department of Health Region 8 at sa tulong ng
Calbayog City Mayor’s Office partikular ng City Risk Reduction Management Office.
Paalala ng pamunuan ng resort sa mga guest, maging maingat at responsable habang nagbabakasyon kasama ang mga mahal sa buhay. (DDC)