DSWD may nakahanda ng food at non-food items para sa mga maaapektuhan ng El Niño
Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary REX Gatchalian na handa ang ahensya na maglaan ng tulong sakaling mayroong maapektuhan ng pag-iral ng El Niño sa bansa.
Pahayag ito ni Gatchalian matapos pormal na ideklara ng PAGASA na umiiral na ngayon ang El Niño phenomenon.
Ayon kay Gatchalian, ang mga LGUs ang first responders sa mga kalamidad sa ilalim ng Republic Act (RA) 10121 o the Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Ang DSWD naman bilang bahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay magkakaloob ng dagdag na tulong sa mga maaapektuhang residente.
Ayon sa kalihim mayroong stock-piled ng food at non-food items ang ahensya na handang i-deliver sa mga mangangailangang LGUs.
Handa ring magkaloob ng cash assistance ang kagawaran.
Samantala kamakailan ay nagpadala ng tulong ang DSWD sa Maguindanaon del Sur at sa Malaybalay City dahil sa naranasang patuloy na pag ulan.
Ayon kay Gatchalian namahagi ng 44,000 food packs sa Maguindanao del Sur at 4,000 naman sa Malaybalay. (DDC)