Pagbawi sa umiiral na public health emergency aprubado na ni Pangulong Marcos
Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbawi sa umiiral na public health emergency status sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, hinihintay na lamang ni Pangulong Marcos ang resolusyon mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Binanggit ni Herbosa ang ginawang pag-alis ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 mula sa listahan ng public health emergencies of international concern.
Ani Herbosa, itinuturing na lamang ng WHO ang COVID-19 bilang karaniwang sakit o respiratory illnesses.
Bagaman mayroon pang banta ng pagkasawi para sa vulnerable people kabilang ang mga nakatatanda at mayroong medical conditions, sinabi ni Herbosa na bumaba na ang bilang ng mga nasasawi.
Darating din ang panahon ayon kay Herbosa na magkakaroon na ng access ang publiko sa bakuna kontra COVID-19 partikular ang bakuna ng Pfizer.
Kakailanganin lamang ng prescription mula sa doktor at maaari na itong mabili sa merkado.
Para naman magpatuloy ang libreng pagbabakuna sa mga mahihirap, sinabi ni Herbosa na patuloy ang negosasyon ng DOH sa COVAX para makatanggap ang bansa ng 2 million doses ng bivalent. (DDC)