71 hindi rehistradong sasakyan ng MMDA, hindi na ginagamit ayon sa ahensya

71 hindi rehistradong sasakyan ng MMDA, hindi na ginagamit ayon sa ahensya

Nagpaliwanag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na punahin ng Commission on Audit (COA) ang 71 sasakyan ng ahensya na umano ay hindi rehistrado sa Land Transportation Office (LTO).

Ayon sa MMDA, ang 71 sasakyan na tinukoy sa COA report ay pawang hindi na nagagamit dahil luma at “beyond repair” na ang mga ito.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, nakatakda na nilang i-dispose ang nasabing mga sasakyan.

Mahaba-haba aniya ang proseso ng disposal dahil babaklasin ang parte ng mga sasakyan, para mapakinabangan ang mga bahagi nito na pwede pang magamit.

Siniguro ng MMDA na regular itong nagsasagawa ng LTO caravan para matiyak na naipaparehistro sa tamang petsa ang kanilang mga sasakyan.

Noong February 6 at 15, 2023, nagdaos ang LTO ng two-day registration caravan batay sa kahilingan ng MMDA.

Samantala, ang 216 na mga sasakyan na tinukoy ng COA na lagpas na sa “useful lifespan” na pitong taon para sa government service vehicles ay pawang nagagamit pa at maayos na namementena.

Katunayan ayon kay Artes, ang ginagamit niyang service vehicle gayundin ang iba pang opisyal ng ahensya ay pawang luma na pero hindi pa ito papalitan dahil pawang nasa maayos pang kondisyon. (DDC)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *