Valenzuela City LGU nagpatupad ng ban sa mga Pogo at illegal gambling sa lungsod
Nagpasa ng ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City na nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (Pogos) at iba pang illegal gambling sa lungsod.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” Gatchalian na tatlong magkakahiwalay na ordinansa ang ipinasa sa lungsod laban sa Pogos at iba pang uri ng sugal.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 1105, ipinagbabawal ang Pogo operations sa territorial jurisdiction ng lungsod.
Salig naman sa Ordinance 2023-093, pansamantalang hindi papayagan ang paghahain ng bagong aplikasyon para sa small-town lotteries at online gambling.
At sa Ordinance 2023-092, ipinagbabawal ang lahat ng uri ng illegal gambling sa lungsod.
Sa pagpasa ng nasabing mga ordinansa, sinabi ni Gatchalian na tinignan ng pamahalaang lungsod ang “social and moral impact” ng pagsusugal sa mga mamamayan. (DDC)