VP Duterte binati si Pangulong Marcos sa anibersaryo ng pagkakaluklok nito sa pwesto
Binati ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang anibersaryo ng pagkakaluklok nito bilang pa pangulo ng bansa.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng bise presidente na makalipas ang isang taon, napatunayan Marcos ang determinasyon ng pamahalaan na tuparin ang mga naging pangako nito sa mga Pilipino noong eleksyon.
Sinabi ni Duterte na makikita ng lahat ang sipag at pagpupursigi ng pangulo na ituloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ng nakaraang administrasyon at magpakilala ng mga bagong programa at proyekto upang mabigyan ng ginhawa ang buhay ng mamamayan.
Sinabi ni Duterte na masaya siya na naging bahagi ng isang administrasyon na nakatuon sa pagpapalakas ng bansa at agresibo sa pagpapatibay ng ekonomiya; pagkakaroon ng sapat na trabaho at hanap-buhay; pagtugon sa hamon ng kahirapan; at pagbibigay ng suporta sa mga sektor tulad ng mga mangingisda, magsasaka, at mga manggagawa.
Kasabay nito ay nanawagan ang bise presidente sa publiko na suportahan ang administrasyon ni Marcos upang maisakaturapan ang mga adhikain nito para sa lahat. (DDC)