Mag-asawang mayor at vice mayor ng Lobo, Batangas pinasasagot ng Ombudsman sa reklamong graft

Mag-asawang mayor at vice mayor ng Lobo, Batangas pinasasagot ng Ombudsman sa reklamong graft

Pinasasagot ng Office of the Ombudsman ang mag-asawang mayor at vice mayor ng Lobo, Batangas na sina Lota Manalo at Gaudioso Manalo sa reklamong inihain ng isang korporasyon hinggil sa diumano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ng Anti-Red tape Act.

Sa inihaing reklamo, ang mag-asawang Manalo na kasalukuyang nakaupong mayor at vice mayor ng bayan ng Lobo, gayundin si Municipal Treasurer Leandro M. Canuel, ay bigong aksyunan ang aplikasyon para sa renewal ng business permit ng kumpanyang “Efren Ramirez Construction Corporation” na kailangan sa para maipagpatuloy nito ang operasyon.

Ayon sa reklamo, matapos manalo sa eleksyon noong 2022, agad na nagpahiwatig si Mayor Manalo ng paghingi ng “grease money” upang masiguro ang pagpasa ng business permit ng korporasyon upang maipagpatuloy nito ang ginagawang dredging sa mga ilog ng Lobo.

Nang tumangging magbigay ang mga may-ari ng korporasyon, nagsimula na umanong magpadala ng mga sulat ang mayor at vice mayor para takutin ang negosyante na magbayad ng mga diumano’y bayarin na wala namang pinagbabasehang batas.

Nagpahayag din umano si Mayor Manalo na ibibigay sa ibang tao ang kontrata ng dredging operations na ginagawa nito.

Nakasaad din sa reklamo na upang mabigyang katwiran ang kagustuhan ng alkalde ay gumawa ng resolusyon na kunwari ay sinang-ayunan ng mga opisyal ng konseho at ng mga barangay ang usapin.

Kalaunan itinanggi at pinabulaanan ng mga konsehal at mga kapitan na sila ay pumirma sa resolusyon.

Sa inihaing reklamo, nilinaw ng kumpanya na ang mga ginagawang “dredging” sa mga ilog ng ay may mga kaukulang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ito kasama ang iba pang mga kailangang dokumentong na mayroon ang korporasyon ay makasasapat na upang ibigay sa kanila ni mayor ang hinihinging business permit.

Hiniling sa reklamo na patawan ng suspensyon ang mag-asawang opsiyal at ang municipal treasurer upang hindi nito maimpluwensyahan ang imbestigasyon ng Ombudsman.

Binibigyan naman ng Ombudsman ng 10-araw ang mag-asawang mayor at vice mayor para sagutin ang reklamo. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *