Mga manggagawa sa probinsya dapat ding bigyan ng dagdag-sahod
Kasunod ng pagbibigay ng P40 na dagdag sa daily minimum wage sa Metro Manila, nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa iba pang regional wage boards sa bansa na magpatupad din ng makatwirang umento sa minimum na sahod sa kani-kanilang mga rehiyon.
Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng pagpuna sa napakababang minimum wage na umiiral sa maraming rehiyon sa bansa.
Ayon sa senador kailangang repasuhin at suriing muli ang kasalukuyang wage rate para matiyak na resonable at makatotohanan ito para sa mga manggagawa sa lahat ng lalawigan sa bansa.
Dahil sa P40 na dagdag sahod sa Metro Manila ay magiging P610 na ang minimum wage rate sa rehiyon kada araw.
Batay sa datos mula sa National Wages and Productivity Commission, sinabi ni Pimentel na napakababa ng minimum wage sa kalapit na mga rehiyon katulad na lamang sa P460 minimum para sa non-agricultural sector at P430 para sa agricultural workers sa Region III at P479 at P429 para sa non-agricultural workers at agricultural workers sa Calabarzon.
Ayon sa senador, maging sa mga rural na lugar ay nakakaranas ng hirap ang mga residente sanhi ng epekto ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin, kasama na ang mas mahal na gasolina at singil sa kuryente.
Dahil dito marapat lang ayon kay Pimentel na makatanggap ng makatwirang dagdag-sahod maging ang mga manggagawa sa mga lalawigan. (DDC)