Nakaambang pag-demolish sa mga kabahayan sa isang barangay sa Catbalogan City, pinalagan
Kinondena ng abogadong si Atty. Alma Uy ang nakatakdang pag-demolish ng lokal na pamahalaan ng Catbalogan City, Samar sa mga kabahayaan sa Barangay 6.
Ayon kay Uy, pro bono lawyer ng mga apektadong residente, sa Lunes, June 26 pangungunahan mismo ng alkalde ng lungsod ang isasagawang demolisyon sa mga bahay ng libu-libong residente sa lugar.
Sinabi ni Uy na hindi lamang mga pulis at bumbero kundi maging ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard ay pinatutulong para sa gagawing demolisyon.
Ayon kay Uy, may nakabinbing petisyon para sa temporary restraining order sa korte upang hilingin na pigilan ang demolisyon.
Gayunman, ayaw na umano itong hintayin ng alkalde at isasagawa na ang paggiba sa mga bahay sa Lunes.
Ani Uy, hiniling pa ng hukom na ipakita sa kaniya ng LGU ang lugar na paglilipatan sa mga maaapektuhang residente, pero ayon kay Uy, walang inihandang relocation area. (DDC)