MMDA chief dismayado sa ilang nasayang na proyekto ng ahensya
Lumiham si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes kay Dr. Clarita Carlos matapos nitong ihayag ang kanyang pagkadismaya sa ilang nasayang na proyekto na hindi na naipagpapatuloy dahil sa pagpapapalit-palit ng liderato sa ahensiya.
Sa kanyang sulat, pinasalamatan ni Chairman Artes si Dr. Carlos at tiniyak nitong ipagpapatuloy ng MMDA ang ilan sa mga nasimulan nito tulad ng Bus Rapid Transit (BRT) at MMDA Institute of Traffic Management at isasama o ikokonsidera ito sa mga kasalukuyan at susunod pang mga proyekto para sa ikauunlad at ikasasaayos ng Metro Manila.
Ang MMDA ay patungo sa mga makabagong hakbangin tulad ng pagtatatag ng isang Disaster Preparedness Training Center, Motorcycle Riding Academy, body cameras para sa mga traffic enforcers, Adopt-a-Park, edible gardens, pocket parks, exclusive motorcycle lane, EDSA Elevated Walkway, Waste-to-Energy, at Metro Manila Drainage Masterplan, at iba pa.
Lubos ang paniniwala ng MMDA sa kahalagahan ng pagtiyak na tuloy at naipapanatili ang mga proyekto sa kabila ng anumang pagbabago sa administrasyon at pamumuno sa ahensiya. (Bhelle Gamboa)