Las Piñas LGU nagkaloob ng free X-ray services sa mga residente
Nagkaloob ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ng libreng X-ray services sa mga residente bilang kanyang inisyatibo sa paglaban ng sakit na tuberculosis (TB).
Pinangasiwaan ng City Health Office (CHO) ang pagbibigay ng naturang libreng serbisyo sa mga Las Piñeros sa Santos Village III Covered Court sa Barangay Zapote.
Layunin ng programa na tukuyin ng maaga ang estado ng mga kaso ng pulmonary tuberculosis upang siguruhin ang napapanahong interbensyon at pamamahala.
Sa pamamagitan ng isinagawang libreng chest x-rays at sputum collection, matutukoy ng health officials ang mga senyales ng TB at kaagad na mag-aalok ng kaukulang gamutan sa mga apektado ng sakit.
Ito ay maagap na hakbang ng CHO na naglalayong itaas ang kamalayan ng mga residente patungkol sa TB at isulong ang maagang pagtuklas nitong sakit sa komunidad.
Sa pagtuklas ng mga kaso ng TB ng maaga, ang mga indibiduwal ay makatatanggap ng wastong pangangalagang medikal at mabawasan ang pagkalat ng sakit sa ibang tao.
Sa pamamagitan ng Active Case Finding activity at ng probisyon ng free chest x-ray services, patuloy ang CHO ng Las Piñas sa pagtataguyod ng pangkalusugan ng mga residente at tugunan ang tuberculosis sa komunidad.
Sa ganitong mga hakbang ay mababawasan ang insidente ng TB at mapagbubuti ang kapakanan ng mga residente sa lungsod. (Bhelle Gamboa)