ASG member arestado ng mga otoridad sa Quezon City
Iniulat ni Southern Police District Director, Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang pagkakaaresto ng isang umano’y miyembro ng notoryus na Abu Sayyaf Group (ASG) sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Janhar Abdulhari, 37-anyos,kilala din sa tawag na Janjan o Julpikar Pendiwata, wanted para sa kasong murder at nagtago ng maraming taon.
Ayon sa report,ang suspek ay tinaguriang No. 7 Most Wanted Person (Municipal Level) at No. 5 (Provincial Level) ng Zamboanga kung saan naaresto ng operating team mula sa SPD-District Special Operations Unit , District Mobile Force Battalion (DMFB), National Intelligence Support Group-NCR, Quezon City Police District-DSOU, 3rd Special Operations Unit ng Philippine National Police Maritime Group, at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa Tierra Pura Homes, Tandang Sora, Quezon City, dakong alas-6:30 ng gabi nitong June 21.
Isinagawa ang operasyon base sa intelligence reports at layung isilbi ang warrant of arrest laban kay Janhar Abdulhari.
Ang suspek ay kilalang kasapi ng ASG na kumikilos sa ilalim ni Kumander Wanning Abdusallam. Isinasangkot ang ASG sa maraming bilang ng kaso ng pagdukot at pagpatay sa Zamboanga Sibugay sa nakalipas na ilang taon.Si Kumander Wanning Abdusallam ay napatay sa isang joint military at police operation noong 2016.
Nabatid na ang arrest warrant ay inisyu ni Ipil Zamboanga Sibugay Regional Trial Court Branch 24 Judge Anthony Dela Torre Isaw para sa murder case na may Criminal Case number 1-8776.
Matapos maaresto agad isinailalim sa booking at mugshot ang suspek na si Abdulhari sa tanggapan ng DSOU-SPD.
Sa pagkakadakip ni Abdulhari ay binigyang importansiya ang epektibong intelligence-driven operations at ng kooperasyon ng mga law enforcement agencies na lumalaban sa terorismo at organisadong krimen.
Pinuri naman ni NCRPO Chief, Major General Edgar Alan Okubo ang mga hakbang ng operating units para sa kanilang propesyunalismo at dedikasyon na wakasan ang terorismo sa National Capital Region at sinabing paiigtingin pa nila ang manhunt operations laban sa mga wanted persons. (Bhelle Gamboa)