NCRPO chief nag-inspeksiyon sa mga presinto sa SPD

NCRPO chief nag-inspeksiyon sa mga presinto sa SPD

Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Edgar Alan Okubo sa mga hepe at tauhan ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa ilalim ng Southern Police District (SPD) upang siguruhin na nakasusunod sila sa mga patakarang pinaiiral ng pamunuan ng NCRPO tungo sa pagbibigay ng maayos at maaasahang serbisyo publiko para sa mga mamamayan ng Metro Manila.

Nais ni MGen Okubo na matiyak na nasusunod ang kanyang mga programang nakapaloob sa NCRPO Development Framework tulad ng Revitalized Pulis sa Barangay, Police Visibility, pagtatalaga ng mga Female Customer Relations Officers, paglalagay ng mga CCTVs sa harapan ng mga custodial facilities, at iba pang mga inisyatibong tutugon sa pangangailangang pangseguridad at pangkapayapaan ng pamayanan.

Layon din nitong tiyakin na mailalapit ang kapulisan sa komunidad kung saan pulis mismo ang pupunta at aalam kung paano nila matutulungan ang mga mamamayan upang muling manumbalik ang pagtitiwala at pagkikipagtulungan ng ating mga kababayan sa ating kapulisan.

Ginarantiyahan din ni RD Okubo na personal niyang sisiguruhin na hindi ipagsasawalang bahala ng kanyang mga tauhan ang kanyang mga direktiba at ang mga panukala ni PNP Chief General Benjamin C. Acorda Jr.

“Personal kong babantayan ang pagpapatupad ng ating mga programa at mga panukala sa lahat ng himpilan ng pulisya sa Kamaynilaan lalo na po ang mga napapaloob sa ating NCRPO Development Framework alinsunod sa 5-Focused Agenda ng ating Chief, PNP. Sa ganitong paraan ay personal kong masasaksihan kung epektibo ba ang ating mga programang ipinapatupad at kung ano pa ang mga maaari nating gawin upang mas pag-ibayuhin pa ang ating serbisyo publiko. At sa gayon ay matulungan natin ang ating mga kapulisan sa NCRPO upang gampanan ng higit na maayos ang kanilang mga tungkulin,” wika ni Okubo.

Kabilang sa biglang nilibot ng NCRPO chief ay ang Baclaran Police Sub-Station 1, Bangkal Police Sub-Station 4, Malibay Police Sub-Station 6, Pasay City SOCO Team, at MCU Police Sub-Station 7.

Sa pag-iikot ni Okubo, napuna niya ang ilang mga pagkukulang sa bawat himpilan kung saan napuna nito ang kakulangan ng tao sa ilang tanggapan at kawalan ng CCTV camera sa ilang detention center.

Hihingan naman ng paliwanag at iimbestigahan ang ilang pulis na naabutang hindi nakasuot ng wastong uniporme sa Pasay at papanagutin ang mga commander kung mapapatunayang may pagkukulang din ang mga ito. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *