Mga residente ng PEMBO sa Makati nagpadala ng liham sa Taguig LGU; take-over pinamamadali
Sa gitna ng muling pagbuhay sa usapin ng territorial dispute sa pagitan ng Makati City at Taguig City, may mga residente ng PEMBO sa Makati ang nagpadala ng liham sa pamahalaang lungsod ng Taguig.
Hiling ng mga residente, madaliin ang pag-takeover sa kanilang lugar para mailipat na sila sa pamamahala ng Taguig City.
Batay sa dalawang pahinang liham na ipinadala sa Taguig LGU, ang mga residente ay mula sa grupo na tinaguriang “Mandirigma ng Pembo”.
Nakasaad sa liham na mismong sila na mga residente ang gumagawa ng paraan para kontrahin ang mga ipinakakalat na fake news patungkol sa posibleng negatibong idudulot ng final and executory decision ng Supreme Court.
Nais din ng mga residente na mabatid kung ano ang mga aasahan nila sa lungsod ng Taguig sa sandaling maisakatuparan na ang takeover.
Aminado ang mga residente na na mayroong nangyayaring black propaganda para siraan ang Taguig LGU kung saan mismong mga barangay officials pa umano ang gumagawa nito.
Ayon sa mga residente, hangad nilang makalayo na sa pamumulitika sa Makati.
Sadya namang hindi inilabas ang mga signatory sa liham para maproteksyunan ang mga residente.