Bagong Childhood Development Center pinasinayaan ng Las Piñas LGU
Pinasinayaan ng Las Piñas City Government ang bagong Saint Mary Child Development Center na matatagpuan sa St. Mary Homes Subdivision, Barangay Almanza Uno sa lungsod.
Ang naturang proyekto ay pinangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office at sa ilalim ng pamamahala nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar, na naglalayong magbigay ng maayos at magandang kapaligiran ng mga bata upang mahubog sila ng kaalaman at mapabuti ang kanilang kapakanan.
Pinangunahan ni Vice Mayor April Aguilar ang inagurasyon sa nasabing bagong center kung saan ipinagmamalaki at ikinagagalak nito ang mahalagang tagumpay ng proyektong ito.
Ayon pa sa bise-alkalde sa pamamagitan ng child development center ay mas pinalakas pa nito ang paninindigan ng Las Piñas LGU sa pagpaprayoridad sa kapakanan at magandang kinabukasan ng kabataang Las Piñeros.
Ang St. Mary Child Development Center ay magsisilbing kanlungan para sa mga bata, na nag-aalok ng malawak na mga programa at serbisyo na magsusulong sa maagang childhood education, socialization, at emotional development.
Sa bagong pasilidad at ng dedikadong team ng educators, ang center ay magiging instrumento o simbolo ng pag-asa at pagkatuto sa komunidad. (Bhelle Gamboa)