Handheld Ticketing Devices ilulunsad ng MMDA sa July

Handheld Ticketing Devices ilulunsad ng MMDA sa July

Bilang bahagi sa implementasyon ng single ticketing system (STS) sa Metro Manila, magsasagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng soft-launch para sa aktuwal na paggamit ng handheld ticketing devices sa July.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, nadeliver na ang unang batch ng handheld ticketing devices na gagamitin ng limang local government units (LGUs) kabilang ang San Juan, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, at Caloocan.

“There will be a soft launch on the first or second week of July. We will also invite the supplier as we want to address the possible flaws or glitches in the implementation of the STS,” sabi ni Artes sa isang press briefing sa MMDA Head Office sa Pasig City ngayong araw.

Ang handheld ticketing devices ay kayang magprint ng citation tickets, magvalidate at mag-authenticate ng driver’s licenses at vehicle registrations, alamin kung ang driver ay nagkaroon ng demerit points o kung ang kanyang lisensiya o ng registration ng sasakyan ay suspendido,nakansela, o mayroong alarma,tumanggap ng cashless payments ng mga multa at iba pa.

Ang development sa STS ay isa sa mga paksang tinalakay sa Metro Manila Council (MMC) meeting na dinaluhan nina San Juan City Mayor and MMC President Francis Zamora, Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval.

Ayon pa kay Artes, hiniling na ng MMDA sa supplier upang magkaroon ng dual sim ang device para maiwasan ang pagsagap ng mahinang signal.

Binanggit din ni Artes na sasanayin ng ahensiya ang mga traffic enforcers ngayong June.

“The training is scheduled on June 27. We want them to get familiar with the proper use of the handheld ticketing devices,” ani Artes.

Nilalayon ng STS ang interconnectivity sa mga ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa pamamahala sa trapiko o traffic management sa pamamagitan ng isahang sistema ng pagmumulta at pagpapataw ng parusa.

Makatutulong umano itong maputol ang red tape, malilimitahan ang mga oportunidad para sa korapsiyon at mawala ang anumang uri ng negosasyon sa pagitan ng motorista at tagapaghuli. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *