China nagbigay ng 20,000 metric tons ng fertilizer sa Pilipinas
Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamahalaan ng People’s Republic of China sa pagbibigay ng 20,000 metric tons ng urea fertilizer sa Pilipinas.
Personal na tinanggap ng pangulo ang donasyon sa isang seremonya araw ng Biyernes, Hunyo 16.
Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ng pangulo ang patuloy na pagpapalago ng matatag na ugnayan ng dalawang bansa, kalakip ang pagsusulong ng iba’t ibang interes lalo na sa larangan ng food security at humanitarian assistance.
Pinasalamatan din ng pangulo ang Chinese government, na kinatawan ni Ambassador to the Philippines H.E. Huang Xilian para sa 4-million na halaga ng rice assistance para sa mga biktima ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay. (DDC)