Mga motorista binalaan ng MMDA na huwag gamitin ang EDSA Carousel Bus Lane
Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista at motorcycle riders na huwag dumaan sa EDSA Bus Carousel Lane.
Kasunod ito ng nangyaring insidente ng hit-and-run sa EDSA Shaw Boulevard tunnel-southbound umaga ng June 14.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na nakuhanan pa ng Metrobase ng ahensya ang insidente kung saan isang motorcycle rider ang nabangga ng puting sports utility vehicle (SUV) at nasagasaan ng isang tanker habang bumabagtas sa EDSA Shaw Boulevard tunnel.
Base sa monitoring ng MMDA, ang rider at ng SUV driver ay parehong bumabagtas sa EDSA Bus Carousel lane nang mangyari ang insidente habang ang tanker ay katabi naman ng bus lane.
Muling inihayag ni Artes na ang EDSA Bus Carousel Lane ay nananatiling eksklusibo sa mga pampasaherong bus, ambulansiya, at markadong sasakyan ng pamahalaan na rumeresponde sa mga emergencies.
Binanggit pa ni Artes na may pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa huling quarter ng 2022 kaalinsabay ng ipinaiiral na Temporary Restraining Order (TRO) sa No Contact Apprehension Policy ng MMDA.
Idinagdag pa nito na tumaas din ang mga namonitor na mga paglabag sa batas trapiko simula nang suspindihin ang NCAP.Nitong Mayo 2023 lamang umabot sa 32,739 traffic violations ng naitala na nagdulot din ng mga aksidente sa kalsada at nagpabagal sa daloy ng mga sasakyan.
Ayon kay Artes makikipag-ugnayan ang ahensiya sa Office of the Solicitor General upang ipakita ang mga datos ng MMDA at para sa posibleng paghahain ng mosyon sa Supreme Court (SC) upang ikonsidera ang pagbawi sa TRO na ipinataw sa NCAP.
Noong Agosto 30,2022 inisyu ng SC ang TRO laban sa NCAP ng MMDA.
Inilahad din ni Artes na ibibigay ng MMDA ang CCTV footage at iba pang ebidensiga na maaaring makatulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Umapela din ang MMDA chief sa iba pang motorista na nakasaksi sa insidente na lumantad at makipagtulungan sa otoridad para mabigyan ng hustisya ang biktima.
Panawagan ni Artes sa hindi pa kilalang SUV driver na boluntaryong sumuko sa mga pulis.(Bhelle Gamboa)