Social pension cash-payout sa mga mahihirap na senior citizens sa Las Piñas, isinasagawa
Isinasagawa ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas City sa pangangasiwa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang pamamahagi ng social pension cash-payout para sa mga kuwalipikadong mahihirap na senior citizens sa lungsod.
Personal na tinututukan ni Vice Mayor April Aguilar ang serye ng social pension program sa Verdant Covered Court sa Barangay Pamplona 3 para siguruhing maayos ang distribusyon at direktang matanggap ang tulong pinansiyal ng mga indigent senior citizens.
Ito ay bilang suporta sa mga nakatatanda upang mapagaan ang kanilang hirap na nararanasan sa buhay lalo ngayong panahon ng kagipitan.
Nagpapatuloy ang tagumpay ng programa sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, CSWDO, Office of Senior Citizens Affairs, at ng bise-alkalde.
Bilang bahagi sa maayos at organisadong proseso ng cash- payout, pinapayuhan ang mga kuwalipikadong nakatatanda na magpakita ng kanilang mga dokumentong pagkakakilanlan upang mapabilis ang proseso ng beripikasyon at agad na matanggap ang kinakailangang social pension cash assistance. (Bhelle Gamboa)