ERC hinimok ang mga electricity provider na tularan ang MORE Power sa kusang pagbabalik ng bill deposit refund
Para sa Energy Regulatory Commission (ERC), kahanga-hanga ang ginawa ng More Electric and Power Corporation o More Power makaraang kusang magbalik ng bill deposit refund sa kanilang mga customers.
Pinuri ni ERC Chairperson Atty. Monalisa Dimalanta ang MORE Power at sinabing dapat itong tularan ng iba pang mga Distribution Utilities (DUs) o mga electricity provider sa buong bansa.
Sinabi ni Dimalanta na kung kayang gawin ng More Power ang ganitong maayos na sistema ay dapat ganun din sa ibang DUs, aniya, patuloy ang ginagawang monitoring ng ERC upang matiyak ang resonableng presyo ng kuryente alinsunud sa probisyon ng RA 9136 o Electric Power and Industry Reform Act (Epira Law).
Sa loob ng magkakasunud na 6 na buwan ngayong taon ay bumaba ang singil sa kuryente ng MORE Power para sa mga residente na sineserbisyuhan nito sa Iloilo City.
Ang residential rate ng More Power para sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo ay bumaba ng halos P1 sa P12.29 per kilowatt-hour (kWh) mula P13.25 per kWh.
Positibo ang More Power na patuloy pa ang pagbaba ng kanilang singil sa kuryente hanggang sa pagtatapos ng taon.
Ipinaliwanag ni Niel Parcon, MORE Power vice president for corporate planning and regulatory affairs na dalawa sa naging malaking factor sa pagbaba ng presyo ng kuryente ay pagbili nila ng geothermal energy mula sa geothermal plant ng Energy Development Corp sa Leyte at ang pagbaba din ng presyo ng coal sa world market.
Matatandaan na pinasumulan din ng More Power ang inisyatibo na ibalik ang bill deposit ng kanilang mga “good paying customer”, nasa P5 million bill deposit ang nakatakdang ibalik ng kumpanya ngayong taon. (DDC)