NCRPO nakiisa sa pagdiriwang ng ika-125 taon ng Araw ng Kalayaan

NCRPO nakiisa sa pagdiriwang ng ika-125 taon ng Araw ng Kalayaan

Nakiisa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong bansa sa paggunita ng ika-125 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan nitong Hunyo 12, na may temang “Kalayaan,Kinabukasan,Kasaysayan” sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Lungsod ng Taguig.

Isinagawa ng NCRPO sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Major General Edgar Alan Okubo ang pagpupugay sa watawat.

Binigyang importansiya ni EMS Venerando S. Vizzarra sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng sagisag ng kalayaan.

Sinundan ito ng sabayang pag-awit ng “Ang Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal” habang pinakawalan ang mga puting kalapati bilang simbolo ng kalayaan at pag-alaala sa nakamit na kasarinlan ng ating bayan.

Binasa naman ni BGen Reynaldo Tamondong, kinatawan ng Tagapangasiwa ng Rehiyon sa Pamamahala, ang mensahe ni Philippine National Police Chief, General Benjamin C. Acorda Jr. na aniya ito ay pagkakataon upang lalong palakasin ang pagkakaisa bilang isang bansa -isang sambayanan. Nararapat umano na paigtingin ang pagpapalaganap ng serbisyong nagkakaisa, na siyang gabay natin sa paglilingkod at sa pakikipagtulungan para sa kaayusan, kapayapaan at kaunlaran.

Pinaalalahanan rin ni MGen Okubo ang mga pulis na bilang mga alagad ng batas ay may tungkulin sila na pangalagaan hindi lamang ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan, kundi pati ang demokrasya na ipinaglaban at ibinuwis ng buhay ng ating mga bayani at mga ninuno.

“Higit na makabuluhan ang pagdiriwang natin ng ating Kalayaan sa pamamagitan ng paghahandog ng higit na magiting, maayos at matapat na paglilingkod sa mamamayan ng Kamaynilaan,” pahayag ni MGen Okubo. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *