Friendship route stickers sa Las Piñas City libre ayon sa LGU
Muling nilinaw ng Las Piñas City Government sa publiko na libre ang ipinamamahaging friendship route sticker sa mga motorista sa lungsod.
Kasunod ito ng panibagong pagkakadiskubre ng lokal na pamahalaaan sa iligal na sirkulasyon at pagbebenta ng nasabing stickers sa online platforms kabilang ang Lazada at Facebook Marketplace.
Paalala ng Las Piñas LGU ang publiko na makukuha ng libre ang sticker sa pamamagitan ng official page ng lungsod.
Ang pagbebenta ng nasabing stickers ay iligal at ang sinumang mapatutunayang sangkot sa ganitong masamang gawain ay mahaharap sa kaukulang parusa.
Ginawa ng lokal na pamahalaan ang friendship route stickers para magamit sa mga alternatibong ruta upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa pangunahing kalsada sa lungsod.
Samantala aktibong minomonitor ngayon ng mga otoridad ang online platforms at nagsasagawa ng imbestigasyon upang maaresto ang mga nasa likod ng iligal na sirkulasyon at bentahan ng naturang stickers.
Panawagan pa ng lokal na pamahalaan sa mga residente na ireport sa kinauukulan ang anumang kahina-hinala o iligal na pagbebenta ng stickers upang agad na maaksiyunan.
(Bhelle Gamboa)