DOH may paalala sa mga residente kaugnay sa pag-aalburuto ng Mt. Mayon
Nagpalabas ng paalala ang Department of Health (DOH) sa publiko para maingatan ang kalusugan ng mga residente na apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa abiso ng DOH, para maging protektado sa ash fall dapat manatili lamang sa loob ng bahay at iwasan ang pagbubukas ng bintana at pintuan.
Dapat gumamit ng mask para matakpan ang bibig at ilong, tiyaking may sapat na suplay ng gamot sa bahay lalo na para sa mga may hika at allergy, at agad magpakonsulta sa doktor kapg nahirapang huminga.
Upang mapangalagaan naman ang mata, dapat magsuot ng safety goggles, iwasan munang gumamit ng contact lenses, huwag kamutin o kusutin ang mata, at magpakonsulta agad kapag nakaranas ng problema sa paningin.
Upang masiguro namang ligtas ang pagkain, hugasang mabuti ang kamay bago magluto o kumain, banlawan gamit ang running water ang mga gulay o prutas, tiyaking hindi expired ang imbak na pagkain at tagpang mabuti ang mga lagayan ng tubig.
Tiniyak naman ng DOH Bicol Center for Health Development na handa ang kanilang mga tauhan at kagamitan sakaling magkatoon ng evacuation dahil sa pag aalburuto ng bulkan.
Ayon sa DOH handa itong maglaan ng hygiene kits, pails, jerry cans, at cot beds sa mga evacuation centers.
Gayundin ay maghahanda ng mga surgical face masks at Rapid Antigen Tests (RAT) para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19. (DDC)