Las Piñas nakiisa sa nationwide earthquake drill
Bilang maagap na hakbang sa pagpapabuti ng paghahanda sa kalamidad at pagsiguro sa kaligtasan ng mga residente, aktibong sinalihan ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas City ang nationwide earthquake drill ng June 8.
Ginanap ang drill sa bisinidad ng city hall para sa simulation ng iba’t ibang senaryo sa maaaring pagtama ng malakas na lindol na naglalayong alamin o suriin ang mga kapabilidad sa pagtugon sa emergency ng lungsod at palakasin ang disaster management protocols nito.
Sa paglaho ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan, ipinakita ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng response protocols para tiyakin ang maayos at ligtas na paglilikas sa mga kawani.
Kasama rin sa drill ang senaryo ukol sa mga pamamaraan ng paglalapat ng paunang lunas, search and rescue operations, at paggamit ng mahahalagang emergency equipment.
Ang drill ay nagbigay din ng oportunidad sa Las Piñas LGU na tukuyin ang mga erya na dapat pang pagbutihin, alamin kung epektibo ba ang umiiral na emergency procedures, at pag-ibayuhin ang kultura ng paghahanda ng mga residente kasama ang mga empleyado sa lungsod.
Nakatulong umano ang pagsasanay upang magamit sa pagsasaayos ng disaster response plans ng Las Piñas at mapagbuti ang koordinasyon nito sa kinauukulang mga ahensiya at stakeholders.
Patuloy ang dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsiguro sa kaligtasan at katatagan ng mamamayan nito. (Bhelle Gamboa)