Korte Suprema kinontra si Makati Mayor Abby Binay
Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na nagpalabas ng kautusan ang Korte Suprema na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.
Ang nasabing kautusan ay nagkaroon na ng final and executory kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonfacio Global City (BGC) at 9 pang barangay ay nasa hurisdiksyon o teritoryo ng Taguig City.
Sinabi ni Hosaka na wala siyang alam hinggil sa oral argument na binabanggit ng alkalde.
Aniya kung mayroon mang ganitong kautusan ang Korte Suprema ay ipalalabas sa website at social media account ng SC.
“The SC-PIO (Public Information Office) will immediately post any notices in the SC website and official Twitter account should we receive any,” dagdag pa ni Hosaka.
Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.
Ayon kay Binay, wala pang aksyon ang SC sa kanilang inihaing Omnibus Motion.
Nang tanungin si Binay kung kailan ang petsa ng tinutukoy niyang hearing ay sinabi nitong hindi pa nya alam.
Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.
Samantala sa panig ng Taguig City sinabi nito na walang ganitong dokumento silang natatanggap.
Taliwas ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura na ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso.
Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.
“SC has shut down all efforts of Makati City to revive the land dispute as the Resolution ordered to no longer entertain pleadings, letters, motion or any other communication regarding the case. The ruling also enjoined Makati from exercising jurisdiction over, making improvements on or treating as part of its territory the area comprising Fort Bonifacio” nauna nang paliwanag ni Hosaka ukol sa naging desisyon ng SC.
Idinadag pa nito na nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.
Sa pagresolba sa territorial dispute ay mas pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.
“Considering the historical evidenced adduced, cadastral surveys submitted and the contemporaneous acts of lawful authorities. We find that Taguig presented evidence that is more convincing and worthier belief than those proffered by Makati”ayon pa sa desisyon.