45 residente nabiktima ng ‘food poisoning’ sa Taguig
Nasa 45 na residente ang nabiktima umano ng food poisoning makaraang kumain sa isang food stall sa Taguig City.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Taguig, sa kabuuang bilang ng pasyente ay 22 ang pinauwi na sa kanilang bahay mula sa treatment area habang nakalabas na sa pagamutan ang 7 iba pa.
Agad tumugon ang Incident Management Team at City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) ng City Health Office katuwang ang mga opisyal ng Barangay Upper Bicutan, sa food poisoning incident sa isang food stall sa nasabing barangay.
Nagtayo ng Incident Command Post ang lungsod sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office kung saan tumanggap ng mga residente na nakaramdam ng sintomas at nangailangan ng atensiyong medikal.
Matapos makaramdam ng mga sintomas ay dinala ang 16 pasyente sa Taguig-Pateros District Hospital (TPDH) at pito naman sa ibang pagamutan habang 22 ang napauwi na makaraang macheck-up at mabigyan ng gamot sa treatment area sa Incident Command Post.
Agad namang ipinasara ng City Health Office ang food stall na umano’y nagbenta ng pagkain na maaring naging sanhi ng food poisoning sa mga residente.
Mananatili itong nakasara hanggang matapos ang imbestigasyon at magkaroon ng kalinawan sa totoong sanhi ng insidente.
Ang CEDSU ay kumuha na rin ng food sample para suriin, samantalang susuriin din ng Sanitation Office ang water source.
Para sa mga residente na nakakaramdam ng sintomas ng food poisoning na maaring mula sa nasabing food stall, agad na magtungo sa Incident Command Post sa A. Bonifacio Avenue, Phase 5, Brgy. Upper Bicutan upang mabigyan ng agarang lunas. (Bhelle Gamboa)