NCRPO handa na sa SONA 2023

NCRPO handa na sa SONA 2023

Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Edgar Alan Okubo na handa na ang mga tauhan ng NCRPO upang tiyaking ligtas, payapa, at maayos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gaganapin sa darating na Hulyo 24.

Sa kabuuang 22,081 na inisyal na itatalaga ngayong taon, 17,121 rito ay mula sa mga distrito ng pulisya at tanggapan ng NCRPO; 4,460 naman ang manggagaling sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng NCRPO Regional Support Units, Aviation Security Group, Special Action Force, Joint Task Force NCR, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Office of the Civil Defense, Department of Health, Metropolitan Manila Development Authority, at Philippine Red Cross.

Mayroon ding 500 na karagdagang indibidwal ang manggagaling sa volunteer groups/force multipliers.

Kasama na sa nasabing bilang ang 4,405 na bubuo sa Reactionary Standby Support Force, na siyang magsisilbing augmentation/strike force na handang magbigay ng karagdagang pwersa kung kakailanganin.

Pangunahing bibigyang pansin at seguridad ang Batasang Pambansa sa Lungsod ng Quezon kung saan gaganapin ang SONA 2023 at ang 31 border control points na ilalatag sa tinukoy na mga lugar na papasok at palabas ng kalakhang Maynila.

Nakahanda na rin ang mga Civil Disturbance Management (CDM) contingents, kung sakaling may mga grupong magsasagawa ng di-mapayapang kilos-protesta sa mga ipinagbabawal na lugar, upang maiwasan ang anumang banta sa kaligtasan ng publiko.

Pinaalalahanan din ni Okubo ang publiko na mula alas-12:01 ng madaling araw ng July 24, 2023 hanggang 12:00 ng hatinggabi ng July 24 ay suspendido muna ang “Permit to Carry Firearms Outside Residence” (PTCFOR) sa Metro Manila.

“Ang pagtatalaga ng NCRPO ng inyong kapulisan para sa SONA 2023 ay naglalayong tiyakin ang kaligtasan at kapanatagan ng lahat ng nais makilahok sa araw na ito. Makakaasa ang ating mga kababayan na nirerespeto ng NCRPO ang inyong karapatang makapagbigay ng opinyon at saloobin. Nakasalalay sa inyong patuloy na pakikipagtulungan at pakikiisa ang pagkakaron ng matagumpay at mapayapang ikalawang SONA ng ating Pangulo,” dagdag pa ng NCRPO chief. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *