486 na katao inilikas sa Cagayan dahil sa Bagyong Betty
Umabot na sa 486 na indibidwal o 140 pamilya ang inilikas mula sa tatlong bayan sa lalawigan ng Cagayan dahil sa bagyong “Betty”.
Sa ulat ng Cagayan Provincial Information Office, batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mula sa nasabing bilang, 371 na ay mula sa Brgy. Caroan, Ipil, Cabiraoan at Sta clara sa bayan ng Gonzaga.
Ayon kay Edward Gaspar, head ng Municipal DRRM ng Gonzaga, karamihan sa kanilang isinailalim sa pre-emptive evacuation ay nakatira malapit sa dagat at ang ilan ay ang mga katutubong agta na delikado sa posibleng pagguho ng lupa.
Samantala, 34 na pamilya na kinabibilangan ng 111 na indibidwal naman ang inilikas mula sa apat na Barangay sa Isla ng Calayan na kinabibilangan ng Brgy. Poblacion, Dadao, Babuyan Claro, at Naguilan habang dalawang pamilya naman ang inilikas sa bayan ng Santa Ana.
Sa ngayon, lahat ng inilikas ay nasa iba’t ibang evacuation center na una na ring inihanda ng mga Local Government Unit (LGU) para sa mga posibleng maapektuhan ng naturang bagyo. (DDC)